Huling araw ng Bar Examination sa UST, napuno ng kulay, ingay, at emosyon

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 08:51 PM | Updated as of Nov 26 2018 10:09 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Napuno ng emosyon, kulay, at ingay ang University of Santo Tomas (UST) sa pagtatapos ng huling linggo ng 2018 Bar examinations.

Hawak ang mga banner ng kani-kanilang eskwelahan at grupo, sinalubong ng daan-daang tagasuporta ang mahigit 6,000 nakatapos ng apat na araw ng Bar exam.

Ang iba, yakap at bulaklak ang regalo sa mga kaibigan at mahal sa buhay pagkalabas pa lang UST.

Hindi maitago ang ngiti ng mga nakapagtapos tulad ng 62 anyos na si Juan Molo na mula pa sa Romblon at kinailangan mag-leave sa trabaho para makapag-exam.

Kwento niya, 2011 lamang siya nakatapos ng law school dahil inuna niyang matapos ang pag-aaral ng kaniyang mga anak at umaasang matutupad na ang kaniyang pangarap sa kaniyang ikalawang pagkuha ng exam.

Ang 25 anyos na si Angelo Tomas Ildefonso, hindi alintana ang kapansanan para matapos ang pag-aaral at kumpiyansang makakapasa at magiging abugado na gagamitin aniya para matulungan ang mga tulad niyang persons with disabilities.

Bagama't aabutin pa ng susunod na taon bago malaman ang resulta ng examination, isa na anilang tagumpay na matapos ang exam na itinuturing na isa sa pinakamahirap na pagsusulit sa bansa.