MAYNILA — Noong gabi ng Miyerkoles, nagpaalam si Efren Cruzada sa kaniyang misis na si Marie Joe na may nag-arkila ng kanilang van na kaniyang ipagmamaneho, kuwento ni Marie Joe.
"Isang pamilya daw na dadalhin sa Batangas Pier. Uuwi din siya, hatid lang," sabi ni Marie Joe sa panayam ng ABS-CBN News.
Pero ang hindi inaasahan ni Marie Joe ay mababalitaan na lamang niya kalaunan na nasawi ang kaniyang mister, kasama ang dalawa pa, matapos umanong makaengkuwentro ang pulisya sa bayan ng Taysan, Batangas noong umaga ng Huwebes.
Ayon sa pulisya, ang tatlong nasawi sa engkuwentro, kasama si Cruzada, ay mga hinihinalang miyembro ng isang gun-for-hire group na may target umano sa Taysan.
Sinundan umano ng pulisya ang van na sinasakyan ng mga ito mula Batangas City pero tila nakahalata raw ang mga ito kaya hindi huminto sa isang checkpoint, at nauwi ang mga pangyayari sa barilan.
Pero pinabulaanan ni Marie Joe ang mga paratang ng pulisya at sinabing nagtatrabahong contractor ang asawa niya sa Calamba, Laguna.
Paminsan-minsan daw ay pinaaarkila ni Cruzada ang kanilang van at ipinagmamaneho ang mga umaarkila, ani Marie Joe.
"Masakit para sa akin na maging 'notorious na killer' ang asawa ko na wala namang ginagawa," ani Marie Joe.
Dagdag pa ni Marie Joe, hindi rin daw niya kilala sina Solomon Panal at Virgilio Hernandez, ang dalawang kasama ng kaniyang mister na napatay rin sa engkuwentro.
Hinamon ni Marie Joe ang pulisya na magpakita ng patunay na matagal nang binabantayan ng pulisya ang kaniyang mister at kanilang van, lalo at matagal na raw hindi tumatanggap ng kostumer ang asawa.
"Ilang buwan na ang van 'di lumalabas, 'di inaarkila. Kaya noong time na tinawagan siya, natuwa siya. Pandagdag sa ipon namin," sabi ni Marie Joe.
Ayon naman kay Calabarzon region police chief Superintendent Edward Carranza, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon ukol sa engkuwentro pero paniniwalaan muna niya ang iniulat sa kaniya ng kaniyang mga tauhan.
"I have to stick with all the reports coming from my base commander that during the actual checkpoint operation, magkakasama ang tatlo," ani Carranza.
"'Di naman natin mapi-pinpoint kung ano ang involvement ni Efren Cruzada, whether he is only a for-hire driver. But the thing is, kasama niya ang mga sindikato," dagdag ni Carranza.
Dagdag pa ni Carranza, patuloy ang kanilang pagtugis sa mga miyembro ng Solomon Panal gun-for-hire syndicate, ang grupong kinabibilangan umano ng tatlong napatay.
Ayon naman kay Marie Joe, natanggap na niya ang kinahinatnan ng mister. Hinihingi na lang aniya niya ang malinis ang pangalan nito.
"Lima ang anak ko na nawalan ng ama, puro menor de edad. Kaya gusto ko linisin ang pangalan ng asawa ko, hindi siya involved sa sindikato," sabi ni Marie Joe.
"Ngayon, ako para akong napilay. 'Di ko alam ang gagawin ko sa mga anak ko," anang balo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, krimen, gun for hire, engkuwentro, rehiyon, Batangas, Calabarzon, Efren Cruzada, Solomon Panal, Virgilio Hernandez, TV Patrol Top, TV Patrol, Bianca Dava