Dagdag na pulis, sundalo sa ilang lalawigan, OK kay Robredo pero...

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 06:02 PM

Dapat ding tingnan ang ugat ng pag-aalsa, sabi ng VP

Vice President Leni Robredo. ABS-CBN News/File

Inihayag ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang suporta sa pagtatalaga ng gobyerno ng karagdagang mga pulis at sundalo sa ilang lalawigang apektado ng insureksiyon pero hinimok din ang pamahalaan na tingnan ang mga ugat ng pag-aalsa.

Sa pagbisita ni Robredo noong Sabado sa dalawa sa pitong pulis na nasugatan sa pananambang sa Libmanan, Camarines Sur noong nakaraang linggo, sinabi niyang makatutulong ang inilabas na Memorandum Order (MO) 32 ng Palasyo para masugpo ang pananambang sa ilang pulis at sundalo sa Camarines Sur.

"Kung ang pagbabasehan 'yong sunod-sunod na ambush dito sa ating mga kapulisan at sundalo, 'yong MO [Memorandum Order 32] na ipinahayag, malaking bagay 'yung augmentation," sabi ni Robredo.

Sa memorandum na inilabas ng Palasyo noong Biyernes, ipinagu-utos ang pagtatalaga ng karagdagang puwersa ng pulisya at militar sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at Bicol region.

Layon ng kautusan na mabawasan ang mga insidente ng karahasan sa mga naturang lugar na umano ay gawa ng mga "lawless group."

Pero sinabi rin ni Robredo na dapat tingnan ng gobyerno kung bakit mayroong mga nangyayaring pag-aalsa.

"Ang pinakatanong — bakit ba lumakas ulit ang insurgency? Dahil ba ito naghihirap ulit 'yong mga tao o dahil sa mas marami pang dahilan para mag-alsa laban sa pamahalaan?" ani Robredo.

"Okay 'yong augmentation pero dapat hindi siya hihinto doon at tingnan bakit bumalik naman tayo sa sitwasyon na 'to," dagdag ng bise presidente.

Nauna nang kinuwestiyon ng ilang miyembro ng oposisyon at mga makakaliwang grupo ang utos ng Palasyo.

-- May ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.