'Krisis-mas tree' inilawan sa Mendiola

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 06:57 PM

Inilawan ang isang kakaibang Christmas tree sa Mendiola, Maynila nitong Sabado.

Itinayo ang “Krisis-mas tree” ng mga na-demolish na informal settlers sa Manggahan Floodway sa Pasig City.

Gawa ito sa pira-pirasong kahoy na sinulatan ng kanilang mga panawagan tulad ng maayos na pabahay.

Isang buwan nang nagkakampo ang mga informal settlers sa Mendiola Bridge, at plano nilang dito manatili hangga't hindi naibabalik sa kanila ang lupain sa Manggahan, Floodway.

Gusto rin daw nilang magkaroon ng pagkakataon na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte.

Naglabas din ng sama ng loob ang mga nagkakampo dahil sa impormasyong pwersahan silang paaalisin ng Manila Police District (MPD) sa Lunes matapos magreklamo ang mga paaralan sa paligid, pati ang mga motorista, dahil daw sa abala na dulot dila.

Itinanggi naman ni MPD spokesperson Supt. Erwin Margarejo ang akusasyon.

May karapatan daw manatili rito ang mga nagpoprotesta nang mapayapa.

Wala rin daw abiso mula sa pamunuan ng MPD o Manila City Hall na paalisin ang mga nagkakampo rito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.