2 vendor na biktima sa nasunog na gasolinahan, kritikal pa rin sa ICU

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 10:24 PM | Updated as of Nov 26 2017 04:43 PM

Hindi pa rin puwedeng buksan ang Petron gas station na sumiklab sa bahagi ng Wack-Wack Road sa Mandaluyong nitong Biyernes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), "under renovation" ang gas station at kailangang alisin ang gasoline tank na naging sanhi ng sunog.

Lumalabas sa imbestigasyon na aksidenteng nahukay at nabutas ng backhoe ng 1827 Construction Company ang bakanteng gasoline tank at valve nito.

Napag-alaman ding may residue pa ng gasolina ang tangke kaya kumalat ang fumes.

Sumiklab ang sunog matapos masagap ng fumes ang apoy mula sa pinaglulutuan ng 34 anyos na tindero ng fish ball na si Raymond Cabe.

Nagtamo ng third degree burns si Cabe sa buong katawan at ayon sa mga doktor, naka-life support na lang ito.

Nadamay din ang 70 anyos na balut vendor na si Bonifacio Base at kailangan pang operahan sa baga.

Parehong nasa intensive care unit ng Victor R. Potenciano Medical Center ang dalawang vendor.

Ayon sa kapatid ni Cabe na si Rhea Cabe, malaki ang pagkukulang ng pamunuan ng gas station sa nangyari sa kanilang "breadwinner."

"Bakit nag-o-operate sila? Saka wala daw harang iyonng lugar na iyan, ngayon lang gawa na nang may naaksidente na. Walang signage na bawal diyan kasi delikado . . . breadwinner iyan, tatlo anak niya . . . Kung ano pananagutan nila, panagutan nila," hinaing ni Rhea.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Mandaluyong, walang nagpabaya sa mga tauhan ng gas station at construction company nang mangyari ang sunog mula sa gasoline tank.

Inirekomenda naman ng technical team ng Department of Energy (DOE) ang pagkansela ng certificate of compliance ng gasolinahan.

Ibig sabihin, hindi puwede ulit buksan ang gasolinahan hangga't hindi sumusunod sa pamantayan ng ahensiya.

Hindi naman umano mag-aatubili ang DOE na parusahan ang management sakaling may pagkukulang sa nangyari.

Sinubukan ng ABS-CBN News kausapin ang Petron pero hindi pa sila nagbibigay ng pahayag.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.