1 buwan bago ang 2018: Mga pagawaan ng paputok sa Bulacan, sinuyod

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 10:37 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Higit isang buwan bago sumapit ang bagong taon, ininspeksyon ng provincial government ng Bulacan at iba pang ahensiya ang mga pagawaan ng paputok sa lalawigan para masigurong ligtas ang mga ito at wala maibebentang ilegal. 

Nagsama-sama ang provincial government, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at iba pang ahensiya para ikutin ang nasa walong ektarya ng pagawaan ng paputok sa San Rafael, Bulacan Sabado ng umaga.

Ito'y para siguruhing ligtas at pasado sa standards ang mga produkto.

Pinasyalan din nila ang mga dinarayong tindahan ng paputok sa Bocaue.

Puspusan daw ngayon ang kanilang information drive para maiwasan ang kalituhan.

Akala raw kasi ng nakararami na sa inilabas na Executive Order 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinagbabawal na ang lahat ng klase ng paputok at pailaw.

Sa kanilang klaripikasyon, hinigpitan lang ang pagbabawal ng mga dati nang ilegal na paputok tulad ng picolo at 5 star.

May mga designated areas na rin kung saan pwedeng gamitin ang mga pailaw, tulad ng fountain.

"Ang pinagkaiba lang, naglagay ng regulasyon sa paggamit," ayon kay Celso Cruz, chairman ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers Dealers Association Inc.

Siniguro rin ng provincial government na bukod sa mga legal na pagawaan, babantayan din nila ang mga maliliit na tindahan kung saan karaniwang naipupuslit ang mga bawal na paputok.

"We are helping the national government sa pag-implement ng mga batas. Lalo na iyong EO ng ating pangulo na maliwanag naman na hindi tahasang bina-ban ang paggamit ng mga firecrackers. Ang nais lang ng Pangulo ay strict regulation," ani Bulacan Govenor Wilhelmino Sy-Alvarado 

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.