PatrolPH

Tamang pasahod ipinanawagan bago gawing magdamag ang libreng EDSA Bus Carousel

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2022 07:03 PM

Sa susunod na buwan na aarangkada ang magdamag na libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, pero may ilang mga driver na umaalma dahil hindi maayos ang pagpapasahod sa kanila. 

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa bus driver na si Abner Opiana, halos 2 buwang naantala ang kanilang sahod. 

"Sa amin po halos dalawang buwan delayed ang sahod namin. Ang sabi hindi pa nagbabayad ang LTFRB kasi pagbayad ng LTFRB saka lang nagbabayad sila boss sa 'min. Mahirap po talaga kasi kulang din 'yung allowance na binibigay ng amo namin. Gusto namin mangyari kahit papaano, mabayaran naman kami kaagad agad kasi wala pong pera talaga," ani Opiana. 

Kung si Winifredo Lucban naman ang tatanungin, naapektuhan ang kanilang pagtatrabaho sa kawalan ng regular na sahod. 

"Nakakatamad po talaga sa totoo lang 'pag naghihintay ka ng matagal na araw tapos wala namang sahod. Eh umaasa lang kami minsan sa allowance… Tinitipid-tipid namin sa maghapon. Noong una [isang buwan] wala. Minsan naranasan pa namin inabot ng isa't kalahating buwan [walang sahod]," ani Lucban. 

Nauna nang sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na inaayos na nila ang pagbayad sa mga bus operator. 

Sa katunayan, nadagdagan pa ang mga tumatakbong bus sa EDSA Bus Carousel. Pero hanggang Disyembre 31 na lang ang programa. 

Nabanggit noon ng mga awtoridad na plano nilang isapribado ang serbisyo matapos di aprubahan ng Department of Budget and Management ang mungkahing P12 bilyong pondo para dito sa 2023. 

Ayon sa LTFRB, umaabot sa P10 milyon hanggang P12 milyon ang nagagastos nila para sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel araw-araw. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.