PatrolPH

Banyagang pinuno umano ng international online scam syndicate timbog sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 06:17 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Inaresto sa entrapment operation ng pulisya ang isang Liberian citizen na inireklamo ng panloloko umano ng isang Filipino gamit ang online scam.

Hinuli ng Regional Special Operations Group National Capital Region sa Pasay nitong Sabado si Jerry Jefferson, 42, alyas James Bobby Harries.

Ayon sa NCR Police Office (NCRPO), lider umano si Jefferson ng international online scam syndicate na may operasyon sa Pilipinas at ibang bansa.

Inireklamo siya sa pulis ng 69-anyos na biktimang retiradong piloto na taga bayan ng Floridablanca, Pampanga.

Sinabi ng biktima sa pulis na nawalan siya ng mahigit P5 milyong ibinigay sa grupo ng suspek.

Inalok kasi siya na mamuno sa isang humanitarian project sa Pampanga. 

Tatanggap daw siya ng bayad na 290,000 euros at $300,000 kapag natapos na ang mga dokumento.

Pero ayon sa pulis, hindi pa ito ibinayad at humingi pa ang grupo ng suspek ng dagdag na pera.

Sa operasyon, kabilang sa nasabat kay Jefferson ang isang bakal na bagaheng may 15 bungkos ng pekeng US dollar bills na nagkakahalagang mahigit $150,000.

Nahaharap ang suspek sa kasong syndicated estafa.

Inaalam kung naaresto na rin siya dati para sa ibang kaso ng panloloko.

Pinaghahahanap naman ang 8 pang itinuturong kasabwat niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.