PatrolPH

Lalaki pinatay dahil umano sa usok ng vape; 2 menor de edad arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 12:14 AM

Pinagsasaksak ng dalawang menor de edad ang isang 27 taong gulang na lalaki na ikinasawi nito sa Quezon Street, Barangay Poblacion sa bayan ng Lupon, Davao Oriental noong Sabado.

Kinilala ng Lupon Municipal Police Station ang biktima na si Vincent Sumaoy habang ang mga suspek ay sina alyas Mik-mik, 16, at alyas Ago na isa ring menor de edad.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, mag-iinuman sana ang biktima at mga suspek sa isang bahay sa Quezon Street nang nairita umano ang dalawang menor de edad sa usok ng vape ng biktima.

Ayon sa pulisya, bigla umanong binugbog ng dalawang menor de edad ang biktima at sinaksak gamit ang patalim.

Nagtamo ng mga sugat sa balikat at ulo ang biktima. Dinala sa Davao Oriental Provincial Hospital sa Lupon ang biktima at inilipat sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, pero idineklara itong patay kinaumagahan noong Sabado.

Tumakas ang daawang suspek, pero sumuko rin kalaunan sa mga awtoridad. Sinampahan ng kasong murder ang mga suspek.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.