PatrolPH

3 hepe ng pulis sa GenSan, tinanggal dahil sa neglect of duty

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 11:09 PM

Tatlong chief of police ng General Santos City Police Office (GSCPO) ang natanggal sa pwesto bilang station commander noong Nobyembre 18, matapos ang sorpresang pagbisita ni Police Brigadier General Alexander Tagum.

Ayon kay Tagum na hepe ng Police Regional Office XII, agad niyang inatasan na i-relieve sa pwesto ang tatlong station commander matapos mapag-alamang may kapabayaan sa serbisyo.

Sa isinagawang surprise inspection, ayon kay Tagum, absent umano sa duty ang mga hepe at kulang ang police personnel na naka-duty.

Kinilala ng PRO XII ang mga natanggal sa pwesto na sina Police Major Rommel Constantino ng Police Station 1, Police Major Yol Hilado ng Police Station 3, at Police Captain Abdulsalam Mamalinta ng Police Station 4.

Nailipat sila sa kanilang bagong assignment na hindi pa tinukoy ng mga awtoridad.

Nagbabala naman si Tagum sa iba pang station commander na patuloy siyang magpatupad ng surprise inspection para masigurong ginagampanan nila ang kanilang responsibilidad bilang lider sa kani-kanilang police station.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.