Bus, nasunog nang tamaan ng service drop wire ng electric coop

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2020 10:54 AM | Updated as of Nov 24 2020 01:06 PM

Nagsimula umano ang sunog matapos na tumama ang likurang bahagi ng bubong ng bus sa service drop wire ng CASURECO. Larawan mula kay Genevie Capuz​

(UPDATE) Nagliyab ang isang bus matapos na tumama ang hulihang bahagi ng bubong nito sa service drop wire ng Camarines Sur Electric Cooperative o CASURECO, Martes ng umaga.

Ayon kay Police Cpl. Michael Olivares, imbestigador ng Lagonoy Municipal Police Station, bigla na lang nagliyab ang apoy sa ibabaw ng Florencia Bus habang binabaybay ang daan sa Zone 4, Barangay San Francisco, bago mag-alas 7 ng umaga. Tinatayang nasa 2 hanggang 3 metro ang taas ng bus.

Ligtas naman ang bus driver na si Ronelio Rubia na nag-iisang nasa bus ng mangyari ang insidente.

Papunta pa lang ang bus sa Lagonoy Terminal nang mga oras na iyon para magsakay ng pasahero.

Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis ng Lagonoy sa CASURECO at Bureau of Fire Protection para ma-imbestigahan rin ang insidente lalo’t ngayon lang nangyari ang ganitong aksidente.

Ayon sa pulisya, napinsala ng nagdaang bagyong Rolly ang linya ng kuryente sa lugar na agad namang naaksiyunan ng CASURECO.

Posible umanong lumaylay ang kable ng kuryente dahil sa malakas na hangin at pag-ulan na naranasan nitong mga nakaraang araw.

From the archives:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.