MAYNILA — Tawa lang ang isinagot ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson kung totoo ba ang ulat na naturukan na siya ng bakuna laban sa COVID-19, kahit wala pang aprubadong gamot ang pamahalaan.
"Tawa na lang isasagot ko diyan... kung totoo nga. Eh hindi ko naman inaamin," ani Lacson.
Matatandaang si Senate President Vicente Sotto III ang nagbunyag na nakapagpabakuna na sina Lacson at House Majority Leader Martin Romualdez laban sa COVID-19, pero hindi naman tinukoy kung kailan.
Wala ring brand ng bakuna na sinabi.
Sa ngayon, wala pang aprubado ang Department of Health (DOH) na brand ng bakuna na kasalukuyan pang dine-develop ng pharmaceutical firms sa buong mundo.
Nagbabala na rin ang DOH laban sa mga naglipanang bakuna na nagsasabing pang-immunize ito sa COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, bakuna, Ping Lacson, vaccine, senador, Senate, DOH, health, pandemic