PANOORIN: Akto ng panghoholdap sa Marikina, huli sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 12:06 AM | Updated as of Nov 24 2019 11:15 AM

MAYNILA—Isang lalaking biktima ng panghoholdap ang nag-post sa Facebook ng CCTV footage ng pambibiktima sa kaniya ng dalawang di pa kilalang salarin sa Marikina noong huling linggo.

Ayon kay Arjay Lee Bulan na isang physical therapist, naglalakad siya sa Apitong Street sa Barangay Marikina Heights ng hatinggabi noong Nob. 17 nang lapitan siya ng mga suspek na lulan sa motor.

Nagkunwari umano ang mga salarin na magtatanong ng direksyon nang biglang bumaba ang isa sa kanila at nagdeklara na lang ng holdap.

 

Makikita sa video na pwersahang hinablot ng holdaper ang cellphone ni Bulan, bago itinulak sa pader ang biktima matapos depensahan nito ang sarili.

Ayon kay Bulan, may kinakausap siyang pasyente bago ang insidente kaya nakita ng mga salarin ang kaniyang cellphone.

"May patient akong inaasikaso noon at need daw po mabigyan ng caregiver," ani Bulan sa panayam sa ABS-CBN News.

Napa-blotter na ng biktima ang insidente. 

Ayon kay Bulan, sinabihan siya ng pulisya na huwag munang i-post sa social media ang CCTV footage ng nangyari, pero dahil hindi na raw siya umaasa mahuli ang mga suspek, ay in-upload na niya ang naturang video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.