3 patay sa banggaan ng motorsiklo, pickup truck sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 01:51 PM | Updated as of Nov 24 2019 02:08 PM

Nabangga ng isang pickup truck ang isang motorsiklong sinasakyan ng 3 babae sa bayan ng Jones, Isabela. Retrato mula kay Dannyrae Deleon

Napatay noong Sabado ang 3 babae matapos mabangga ng pickup truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bayan ng Jones, Isabela.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga biktima bilang si Angel Bolusan, ang nagmamaneho ng motorsiklo, at ang kaniyang mga angkas na sina Evangelyn Salvador at Ann Claire Marie Camarao.

Papuntang sentro ng bayan ang mga biktima sa Barangay Payac nang banggain ang kanilang motorsiklo ng kasalubong na pickup truck na umagaw ng linya, ayon sa Jones police.

Tumilapon sa kalsada ang mga biktima sa lakas ng pagbangga.

Isinugod sa opsital ang mga biktima pero idineklara ring dead on arrival dahil sa mga tinamong injury.

Hawak ng pulisya ang driver ng pickup truck, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property. -- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.