TINGNAN: Gulong ng 22-wheeler truck bumaon sa bagong gawang kalsada sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 02:55 PM

Photo by: Arra Perez, ABS-CBN News

MANILA - Lumubog ang ilang likurang gulong ng isang 22-wheeler truck sa isang bahagi ng Amoranto Street sa Quezon City, Sabado, matapos gumuho ang isang bahagi ng bagong gawang kalye sa lugar. 

Ayon sa truck driver na si Ron Roque, ihahatid sana niya ang kargang buhangin sa Cavite nang mapansin niyang bumagsak ang likurang bahagi ng minamanehong sasakyan.

Bumaba si Roque mula sa truck at nakitang nabitak at tuluyan nang gumuho ang sementadong kalsada.

Walang nasaktan sa naturang insidente.

Pansamantalang isinara sa trapiko ang Amoranto corner Banawe Street hanggang sa Biak na Bato Street habang tinatanggal pa ng mga awtoridad ang naipit na truck.

Pinaiwas din ang publiko sa paglalakad malapit sa nasirang kalsada.

- ulat mula kay Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.