PatrolPH

SOCO: 3 preso patay matapos pumuga, mang-hostage

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 03:45 PM

 

Patay sa manhunt operation ang tatlong pugante habang sumuko naman ang isa pa matapos silang sabay-sabay tumakas sa Negros Oriental Provincial Jail noong Mayo 15, 2016.

Kinilala ang mga nasawing pugante na sina James Magdasal, Maximo Aspacio, at Richard Balasabas. Lahat sila’y nakulong sa kasong murder at haharap sana sa paglilitis. 

Sumuko naman sa engkuwentro si Rico Bandico na may kasong illegal possession of firearms.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, napag-alamang magkakasama sa iisang selda ang apat na bilanggo.

“Nag-uusap sila, akala namin tungkol sa kanilang kaso. Ganyan pala 'yung pinag-uusapan nila, may plano na silang masama,” ayon sa jail warden na si Renato Alarcon.

Posible raw na sa pagiging malapit ng apat nagsimula ang kanilang planong tumakas.

Sa mismong araw ng pagpuga, hindi inasahan ng mga awtoridad ang pagkakaroon ng armas ng apat na nililitis.

Ayon sa opisyal ng kulungan na si Harken Patalan, posibleng nagkaroon ng security breach kaya nakakuha ng armas ang grupo.

“May maliit na butas doon. Kasya 'yung isang .38 caliber. Ipinuslit siguro sa likod,” ani Patalan.

Nakarating sa gobernador ng Negros Oriental ang naganap na jailbreak.

“They don’t want to face trials. Alam nilang mako-convict sila. Alam nilang they are murderers. Sa isip nila, alam nilang 'di na sila makakalabas sa jail,” paliwanag ni Governor Roel Degamo.

Dahil sa insidente, mas pinaigting ang seguridad sa piitan.

“It will not happen again. May mga ginagawa tayo [para] hindi na mangyari ulit. Ine-enhance natin 'yung capability ng jail guards. We have funds for additional CCTV,” banggit ni Degamo.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, Nobyembre 24, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.