Grupo nagsagawa ng 'National HIV Testing Day'

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 09:31 PM | Updated as of Jan 05 2020 03:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang grupo ang nagsagawa nitong Sabado ng isang "National HIV Testing Day" na layong hikayating magpasuri ang mga indibidwal upang malaman kung sila ay mayroong human immunodeficiency virus at maituro kung paano ito iwasan.

Abala si Dr. Francis Allanigue ngayong araw, hindi sa emergency room kundi sa HIV testing facility ng Love Yourself.

Isa siya sa mga volunteer na nais tumawag ng pansin sa mga Pilipinong sexually active para malaman kung ano ang kanilang kalagayan.
 
"You can’t fight something you don’t know. Iyung testing is for free, it’s a safe space," giit ng doktor.

Gusto ipalaganap ng grupo ang ideya na hindi dapat kinatatakutan ang usaping sex.

"Isinasabuhay namin dito 'yung konsepto ng sex positive. Tinatrato namin ang sex na normal na usapan lang at para mapag-usapan 'yung sakit na puwedeng makuha dahil dito," ani Love Yourself program manager Danvic Rosadiño.

Pinaiigting nila ang kampanya dahil sa datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na patuloy ang pagtaas ng mga nagpopositibo sa HIV na edad na 15-24.

Mula 1984 hanggang Setyembre 2018, nasa 59,135 na ang naiulat na kaso ng HIV sa bansa. At sa mga bagong HIV case ngayong Setyembre, 898 o 94% ay lalaki.

May limang testing center na ang Love Yourself at ang mga pupunta ay hindi dapat mag-alala dahil confidential ang anumang resulta ng test.

Ang mga non-reactive ay sasailalim sa counselling para mapanitiling negatibo habang ang mga reactive naman ay ilalapit sa mga doktor para sa treatment.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.