Tumatawid na lolo, nabangga ng motorsiklo; 3 sugatan

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 09:44 AM | Updated as of Nov 24 2017 11:15 AM

Tatlo ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng isang motorsiklo Huwebes ng gabi sa Irisan, Baguio City.

Tumatawid ang senior citizen na si Jaime Oirada, 64-anyos, nang mabangga ng motorsiklo pasado alas-6 ng gabi.

Kuwento ng isang nakakita sa aksidente, tumilapon din daw ang driver at angkas ng motorsiklo nang mabangga ang matanda.

Hirap maglakad si Oirada, na nagtamo ng gasgas sa kanang binti.

Nagtamo din ng gasgas sa katawan at pansamantalang nawalan din ng malay ang dalawang lulan ng motorsiklo. Agad silang isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center.

Papunta umano ng palengke ang 26-anyos na driver ng motorsiklo na si Juhair Casanguan kasama ang kaniyang tiyuhin nang mangyari ang aksidente.

Sasagutin aniya ni Casanguan ang pagpapagamot kay Oirada na wala nang balak maghain ng pormal na reklamo.

Pinag-iingat naman ang mga motorista sa pagdaan sa nasabing kalsada lalo pa't hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng aksidente sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.