Suspek sa budol-budol sa dating OFW, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 11:21 AM | Updated as of Nov 24 2017 11:52 AM

Nahuli sa entrapment operation sa Quezon City ang suspek sa pambubudol sa dating OFW na si Leonardo Austria, na natangayan ng P8 milyon.

Arestado ang suspek na si Jonathan Asuncion na dating nagpakilala sa biktima bilang "Engineer Luis De Guia."

Idineposito ni Asuncion ang nakubrang pera sa bank account ni Winifredo Adriano, na siya namang dumulog sa pulisya para mahuli si Asuncion.

Ayon kay Adriano, pinakiusapan siya ni Asuncion para sa bank account niya ideposito ang P7.29 milyon.

Kaniya itong ini-withdraw at ibinigay nang buo kay Asuncion, ngunit nang lumabas ang balita ukol sa budol-budol ay hiningan pa siya nito ng P100,000 para hindi idawit ang kaniyang pangalan sa kaso.

Nasa kustodiya na ng QCPD si Asuncion at isasailalim sa inquest proceedings sa kasong robbery-extortion kaugnay ng reklamo ni Adriano, ayon kay District Director C/Supt. Guillermo Eleazar.

Watch more in iWant or iWantTFC

Hawak naman ng pulis-Balanga, Bataan ang reklamong syndicated estafa na hiling ni Austria, ani Eleazar.

Hiling rin ni Austria na mapabilis ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa mga suspek para sa syndicated estafa, na walang piyansa hindi gaya ng robbery-extortion.

Watch more in iWant or iWantTFC

Mayroon rin siyang payo sa mga gaya niyang dating OFW: "Sana po, ang gusto ko lang po ay huwag kayong masilaw sa magandang oportunidad."

"Kung masisilaw tayo sa mga ganiyan, hindi natin alam, bawat tao iniisip kasi natin natin ‘magkakaroon ako ng pera nang middle man ka lang.’ Wag niyo nang pag-isipan yung ganun kasi baka mauwi lang sa ganitong pangyayari na budol-budol," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.