ALAMIN: Mga araw kung kailan madalas pumapalpak ang MRT

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 11:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kailan nga ba mas mataas ang posiblidad na magkaaberya ang MRT? 

Base sa datos ng MRT mula Nobyembre 2015 hanggang Nobyembre 2017 na sinuri ng ABS-CBN Investigative and Research Group, madalas na may aberya ang tren tuwing Miyerkoles, Huwebes at Biyernes.

SCREEN GRAB FROM TV PATROL

    
Nangyayari ito tuwing rush hour ng umaga at hapon.

Ang mga buwan naman na madalas ang aberya noong 2016 ay Abril at Oktubre. Pero ngayong taon, naging mas madalas ito mula Agosto hanggang Oktubre.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, hindi naman sila nagkukulang sa pag-aasikaso sa MRT.
    
Bukod sa pagbili ng spare parts, kasama na rito ang paghahanap ng maayos na maintenance provider.

"We're trying to bring back a reputable service provider kasi hindi naman kaya ng gobyerno patakbuhin 'yan pang araw araw...Maganda ang senyales na magkakaroon tayo ng memorandum of understanding before the end of this year [with a new maintenance provider]," ani Tugade. 

Pero sa ngayon, mahabang pila pa rin ang titiisin ng mga pasahero dahil 15 tren lang muna ang napatatakbo.

Chavez, nililigawang bumalik sa DOTr?

Kung si Tugade ang tatanungin, gusto pa rin niyang ibalik sa serbisyo ang nagbitiw na Transportation Undersecretary for Rails na si Cesar Chavez.

"Gusto ko pa rin partner kami at tatapusin namin 'yung mga proyektong binalangkas namin. May kumpiyansa ako sa kaniya," paliwanag ni Tugade. 

Nilinaw rin ni Tugade na walang alitan sa loob ng ahensiyang pinamumunuan niya.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.