4 sugatan sa pag-araro ng 16-wheeler sa mga sasakyan sa Marcos highway

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 05:46 PM

Apat ang naitalang nasugatan nang araruhin ng isang 16-wheeler trak ang magkakatabing establisimyento at mga sasakyan sa Marcos Highway.

Naganap ang insidente sa Maries Village II Phase 1, Barangay Mayamot Antipolo City, nitong Biyernes ng umaga.

Sugatan ang driver na si Rommel Talindong at ang kanyang pahinanteng si Arwin Alibutang, gayundin ang mga residenteng sina Elanor Larga, 63 years old, at Estifanio Bautista. Dinala silang lahat sa Amang Rodriguez Hospital. 

Nawalan umano ng preno ang trak kaya sumampa sa gutter at inararo ang magkakatabing mga furniture shops, talyer, at iba pang establisimyento sa lugar.

Napinsala rin ang tatlong iba pang trak, isang van, at 2 SUV. 

Ayon naman kay Relly Bernardo, hepe ng Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office, iimbestigahan nila kung overloaded ang trak habang inihahanda ang patong-patong na kaso laban sa drayber ng trak, kabilang ang reckless imprudence resulting to physical injuries at damage to properties.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.