Magsasaka na may kasong rape, arestado

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2016 04:49 PM

ILOCOS NORTE - Timbog sa isang police operation ang isang magsasaka matapos ng mahigit sa tatlong taon na pagtatago sa bayan ng Dumalneg, Ilocos Norte Miyerkules.

Kinilala ang suspek na si Wilfredo Barion, 50 taong gulang. Siya ay may kasong 2 counts of rape at act of lasciviousness.

Nahuli siya sa bayan ng Dumalneg, Ilocos Norte nitong Miyerkules.

Hinalay umano ni Barion ang dalawang batang babae na may edad 14 at 12.

Mariing itinanggi ng suspek ang alegasyon sa kanya.

"Hindi ko sila ni-rape, hinalikan ko lang sa pisngi ang mga ito," ani Barion.

Ayon kay Chief Inspector Nelson Cortez, muntik pang tumakas si Barion nang makita ang mga pulis.

"Nag-iinuman sila ng madatnan namin, pero binalak niyang tumakbo nung nahalata niyang mga pulis kami," aniya.

Walang nairekomendang piyansa ang kasong rape ng suspek kaya diretso ito sa kulungan.