77-anyos na lola, posibleng ginahasa bago pinatay

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2016 05:36 PM | Updated as of Nov 24 2016 07:24 PM

CAMARINES SUR— Isang malamig ng bangkay nang matagpuan ang 77-taong gulang na si Elena Geroy sa isang batis sa Barangay Tinalmod Nuevo, Libmanan, Camarines Sur, Miyerkules.

Sa kuhang larawan ng mga pulis, wala nang saplot ang matanda, bagay na pinaniniwalaang ginahasa ito bago pinatay.

Ayon sa nag-iisang anak ng biktima na si Virginia Molina, pitong araw na nilang pinaghahanap si Lola Elena.

Nobyembre 16 nang i-report nila sa mga otoridad ang pagkawala ni Lola Elena.

Ani Molina, alas-siete ng umaga nang magpaalam ito na pupunta sa pamangkin na tinatayang isa't kalahating kilometro ang distansiya sa kanilang bahay pero hindi na ito umuwi.

Tatlong araw nang naghanap ang mga opisyal ng barangay sa matanda pero hindi ito natagpuan. May ilang residente pa umanong nakakita kay Lola Elena.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima para alamin kung ano ang ikinamatay nito at kunpirmahin kung ginahasa ito.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.