5 pinagbabaril sa 'drug session' sa Bulacan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2016 04:06 PM

3 sa 10 suspek, naka-uniporme ng pulis - saksi

Patay ang limang indibidwal matapos pagbabarilin ng hinihinalang vigilante group sa gitna ng drug session sa loob ng isang bahay sa Plaridel, Bulacan, Miyerkules ng gabi.

Idiniin naman ng isang testigo na may mga pulis na sangkot sa pagpatay.

Kwento ni "Julio," isang van at dalawang motorsiklo ang nakita sa highway ng liblib sa Sitio Dapdap, Barangay Banga 1.

Nasa 10 armadong lalaki anya ang bumaba sa mga sasakyan at saka pinalibutan at pinasok ang bahay ng mga napatay.

Tatlong suspek ang nakasuot ng uniporme ng pulis, ani Julio.

"'Yung pito naka-civilian, 'yung tatlo naka-uniporme ng pulis. Bumaba po ang tatlo tapos umikot sa basketballan, sabi nila may hinahanap silang tao. Mayroon po silang shotgun, armalite at 45," sabi ng saksi.

Hindi bababa sa 15 magkakasunod na putok ng baril ang narinig ng mga residente sa barangay. Narinig din nila ang sigaw ng isang lalaki na tila'y nagmamakaawa.

Nadaplisan pa ng bala ang kusina ng kalapit na bahay ni Roed Macasil.

Kinilala ang mga napatay na sina alyas "Alma," ang may-ari ng bahay; Gregorio Castillo alyas Juan; at mga dayo na sina Ada Ravien Torne, Reynaldo "Bare" Fajardo at isang altas Jayson.

Nakuha mula sa kanila ang 11 pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal nang ginagawang drug den ang naturang bahay.

Ilang beses na umano nilang pinagsabihan si Alma, pero nagpatuloy pa rin ito sa mga iligal na gawain.

"Nagkaka-pwestuhan ho talaga sa lugar na ito. Matagal nang pinaaalis pero matigas talaga ang ulo. Ayaw talaga," sabi ni barangay captain Carlito Reymundo.

"Maraming namamalagi dito sa ganoong gawain."

Aminado ang kapitan na malaking problema ang droga sa barangay, kaya't tuluy-tuloy ang kanilang kampanya laban dito.

Itinanggi naman ng Plaridel police na sangkot ang kanilang mga tauhan sa pamamaril.

"Mas mabuti kung maidentify. Tutukan po kung ma-evaluate kung gaano katotoo ang sinabi ng residente," ani Senior Inspector Agustin Joseph, deputy chief for administration ng Plaridel police.

Isa sa mga tinitingnan ng pulisya ay ang anggulong mga miyembro ng vigilante group ang nasa likod ng krimen.

"Iyun ang aming natanggap na vigilante group na umiikot sa ating bayan. Diumano ay pinagbabaril na lamang sa ginaganapang pot session," ani Joseph.

Pagtitiyak ng pulisya, paiigtingin pa nila ang paghahanap at pag-iimbestiga sa pagkakakilanlan ng vigilante group na patuloy umanong kumikilos sa lalawigan.