Nakarating ngayong Martes sa Ayungin Shoal ang mga bangka na nagdala ng pagkain at iba pang supply sa mga tropa ng militar na nakaistasyon doon, ayon sa Department of National Defense (DND).
Ito'y matapos maudlot ang paghahatid noong nakaraang linggo nang harangin ng Chinese coast guard ang mga resupply boat.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, alas-11 ng umaga nakarating ang 2 civilian resupply boat lulan ang Philippine Navy.
Walang naging escort ang 2 bangkang naghatid ng supply, alinsunod sa pakiusap ng Chinese Embassy, ayon sa Malacañang.
Pero ayon kay Lorenzana, may umaaligid na isang barko ng Chinese coast guard malapit kung nasaan ang BRP Sierra Madre.
Nagpadala umano ito ng isang rubber boat lulan ang 3 tao at kumuha ng mga retrato at video habang nagbababa ang mga tauhan ng Philippine Navy ng mga supply.
Sinabihan na umano ni Lorenzana si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na itinuturing ng gobyerno ang mga ganoong aksiyon bilang intimidation at harassment.
Noong Lunes, sa harap mismo ni Chinese President Xi Jinping sa ASEAN-China Summit, mariing kinondena ni Duterte ang insidente sa Ayungin.
Hinimok niya ang mga bansa na iwasan palalain ang tensiyon sa South China Sea at magtulungan para sa mapayapang resolusyon sa agawan ng teritoryo, alinsunod sa international law.
Pero hindi kumbinsido rito si maritime law expert Jay Batongbacal, na sinabing tila palabas lang ang ginawa ni Duterte sa summit.
"Bali-baliktad ang sinasabi, depende sa panahon, 'di ba, so parang palabas lang," ani Batongbacal.
Tingin din ng grupong Pamalakaya ay nais lang ni Duterte na isalba ang karera sa politika kaya nagawang tuligsain ang China sa nangyari sa Ayungin Shoal.
Masyado nang huli para gawin ito ngayong hinayaan na ng administrasyon ni Duterte na makuha ng China ang kontrol sa malaking bahagi ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea, sabi ng Pamalakaya.
Pinasinungalingan naman ng Palasyo ang pahayag ng mga kritiko.
"Hindi po totoo lahat ng mga paratang na 'yon. DFA (Department of Foreign Affairs) acted swiftly, the President spoke about the issue," sabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na nagsisilbi ring acting Palace spokesperson.
"Lagi niyang (Duterte) sinasabi 'yong importance ng peace and unity, importance of peaceful resolution ng ating disputes," dagdag ni Nograles.
Iginiit naman ng Chinese foreign ministry na hindi magtatagumpay ang ano mang pagtatangka ng ibang bansa na hamunin ang interes ng kanilang bansa sa South China Sea.
Ilegal at balewala rin umano ang desisyon ng isang arbitral tribunal noong 2016, na nagpawalang-saysay sa umano'y historical claim ng China sa malaking bahagi ng South China Sea.
— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.