PatrolPH

Ilang lugar sa NCR nagsimula nang magbigay ng booster sa seniors, immunocompromised

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2021 05:27 PM | Updated as of Nov 23 2021 07:19 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Sinimulan ngayong Martes ang pagbibigay ng COVID-19 booster shot sa mga senior citizen at immunocompromised sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Ngayong Martes lang nakapag-umpisa sa pagbibigay ng booster ang ilang local government unit dahil Linggo inanunsiyo ang bagong polisiya at kinailangan pa nilang maghanda.

Sa San Juan, daan-daan ang pumila sa isang COVID-19 vaccination site para tumanggap ng booster shot o dagdag na dose ng COVID-19 vaccine.

Ilan sa mga nakapanayam ay homologous o kaparehong brand ng naunang tinanggap na bakuna ang piniling booster dahil wala anila silang naramdamang side effects noon at naprotektahan naman sila nito laban sa COVID-19.

Marami ring pumili ng heterologous o booster brand na iba sa naunang tinanggap na COVID-19 vaccine.

Base kasi anila sa kanilang research, mas mataas ang efficacy laban sa COVID-19 ng napiling kombinasyon.

Nagpaalala naman si San Juan Mayor Francis Zamora na bawal ang walk-in at kailangan munang magrehistro ng mga eligible na residente bago mabigyan ng schedule para sa booster shot.

Ito ay para maberipika kung ang magpapa-booster ay bahagi ng mga priority group na pinapayagan nang tumanggap ng dagdag na dose ng bakuna.

Para maging eligible sa booster shots, kailangang bahagi ng 3 unang priority group: health worker, senior citizen at immunocompromised.

Kailangan din 6 na buwan na mula nang maging fully vaccinated sa 2 COVID-19 vaccine doses o 3 buwan mula nang maturukan ng single-dose vaccine. 

Sa Mandaluyong, gumulong na rin ang pagbabakuna ng booster sa mga senior citizen at immunocompromised. 

Awtomatiko umanong makakatanggap ng mensahe o tawag mula sa MandaVax ang eligible residents kaugnay sa schedule ng booster shot.

Puwede rin umanong makipag-ugnayan sa barangay para maisama sa listahan. 

Sa Makati at Caloocan, pinapayagang dumeretso sa vaccination site ang eligible resident para magpa-booster basta bitbit ang vaccination card at ID. Medical certificate naman ang pinadadala sa mga immunocompromised.

Ganoon din ang sistema sa Maynila, kung saan maagang pumila ang mga magpapa-booster sa Sta. Ana Elementary School.

Sa Quezon City, nakatakdang buksan ngayong gabi ng Martes o umaga ng Miyerkoles ang online booking para sa booster dose ng seniors at immunocompromised.

Nasa higit 42,000 na ang naturukan ng booster sa bansa mula sa 3 unang priority group.

Nitong umaga ng Martes, dumating sa bansa ang 682,360 dagdag na dose ng Moderna COVID-19 vaccine na binili ng gobyerno.

Sa kabuuan, 134.4 milyon na ang bilang ng mga dose ng COVID-19 vaccine ang nai-deliver sa bansa, kung saan 76.5 milyon doses ang naiturok na.

Sa target na 77 milyong Pilipino, 33.8 milyon ang may kumpleto nang bakuna laban sa COVID-19. 

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.