Foundation na nag-aalaga ng matatanda nanawagan ng tulong matapos bahain

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2020 04:29 PM | Updated as of Nov 23 2020 07:33 PM

Nanawagan ng tulong ang isang foundation sa Marikina na nag-aalalaga ng mga matatandang may sakit matapos bahain noong kasagsagan ng bagyong Ulysses. ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Nanawagan ng tulong ang isang foundation na nag-aalalaga ng mga matatandang may sakit matapos silang mawalan ng tahanan noong bumaha sa Marikina bunsod ng bagyong Ulysses.

Kasalukuyang nananatili sa evacuation center ang 17 matandang inaalagaan ng Josefheim Foundation.

May edad 70 pataas ang mga matatanda at naka-wheelchair ang karamihan sa kanila.

Matatagpuan ang gusali ng foundation sa Provident Village, isa sa mga pinakamatinding nalubog sa baha noong kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Bagaman may natatanggap na tulong ang foundation, hindi kumportable ang mga pasyente sa evacuation center dahil masikip, walang maayos na higaan at walang sariling banyo. 

Watch more in iWantTFC

Kasama rin nila ang ibang evacuee kaya delikado sa COVID-19.

"Masikip dito. Sana kung may malilipatang bahay, lote, na mas mataas, hindi bahain," ani Fr. Dari Dioquino, isa sa mga nangangasiwa sa foundation.

"Nananawagan ng tulong ang foundation para sa mga lolo and lola. Kailangan po ay tirahan," sabi naman ng caretaker na si Alma Duquita.

Inatasan na ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang City Social Welfare and Development Office na alamin kung ano ang maibibigay na tulong sa mga alaga ng foundation.

Kailangan umano ng mga taga-foundation ng mga kutson, at gamot sa altapresyon at iba pang sakit.

COVID-19 cases sa evacuation centers nadagdagan

Samantala, umakyat naman sa 5 ang bilang ng mga evacuee na tinamaan ng COVID-19 mula sa magkakaibang evacuation center, ayon sa lokal na pamahalaan ng Marikina.

Nagpaalala naman ang Department of Health sa mga nananatili sa evacuation centers na kahit mahirap ay sikaping sumunod sa health standards, kabilang na ang pag-iwas sa pakikikamay o pagyakap sa mga bumibisitang opisyal.

Tuloy din ang clearing operation sa lungsod.

-- Ulat nina Jervis Manahan at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.