PatrolPH

500 pamilya sa Marikina hinatiran ng relief goods

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2020 07:58 PM

500 pamilya sa Marikina hinatiran ng relief goods 1
Nagdala ng tulong ang ABS-CBN sa 500 pamilya mula Marikina City na apektado ng pagbaha kasunod ng bagyong Ulysses. ABS-CBN News

Dalawampu't limang taon nang gumagawa ng sapatos at tsinelas si Risalanda Teves at kaniyang mister, pero nasira ng baha ang mga ipinundar nilang makinang pantahi.

"Lahat po 'yan nalubog sa baha," ani Teves, residente ng Barangay Tumana, Marikina City, isa sa mga nakaranas ng matinding pagbaha sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses.

"Kasi mabilis po talaga ang tubig. Inisip po namin mga sarili po namin eh," dagdag niya.

Tanging ang paggawa ng sapatos at tsinelas ang kanilang hanapbuhay kaya sinisikap nina Teves na makabawi.

"Kapag okay-okay na, mag-uumpisa na uli kami," ani Teves.

Watch more on iWantTFC

Kabibili lang ng mga prutas na ilalako ni Rosita Eskuktora nang tumama ang bagyong Ulysses.

Kaya ang panggagalingan sana ng kakainin nilang mag-asawa ay kasama ng kanilang bahay na nalubog sa baha.

"Naggawa na lang kami ng paraan para makabenta po uli. May nag-ano sa 'min ng kaunting puhunan," ani Eskuktora.

Habang nasa gitna ng clearing operations ang Barangay Tumana, nagdala ng relief goods ang programang "G Diaries" at Sagip Kapamilya ng ABS-CBN sa nasa 500 pamilya sa komunidad.

"Nakakatuwa kasi malaki ang puso ng mga Pilipino... na kahit papaano, nakakatulong tayo, maraming tumutulong sa atin para makatulong tayo sa iba," ani "G Diaries" host na si Ernie Lopez.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.