PatrolPH

3 Chinese timbog sa Angeles City sa pagdukot umano sa babae sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2020 10:32 PM

3 Chinese timbog sa Angeles City sa pagdukot umano sa babae sa Makati 1
Tatlong Chinese ang inaresto sa Angeles City, Pampanga matapos umanong mangdukot ng isang Vietnamese-Chinese na babae sa Makati City noong Nob. 18. Mga larawan mula sa PNP-AKG

ANGELES CITY - Tatlong Chinese ang inaresto dahil sa umano'y pagdukot sa isang Vietnamese-Chinese na babae sa Makati City noong Nob. 18.

Ayon sa PNP Anti-Kidnapping Group, dinukot ng mga suspek na si Rouhan Li, Qiang Zhang, at Jing Li ang biktima mula sa kaniyang condominium unit sa Makati at dinala sa isang residential unit sa Angeles City noong Nobyembre 21.

Isinumbong ng asawa ng biktima ang insidente matapos humingi ng ransom na P161,800 ang mga suspek.

Sinalakay ng mga awtoridad ang naturang residential unit sa Angeles at doon na nahuli ang mga umano'y kidnapper.

Positibong kinilala ng biktima ang isa sa mga nahuli na kasama sa mga dumukot sa kanya.

Ayon sa PNP, modus ng mga suspek na magmanman at maghanap ng mabibiktima sa mga lugar na pinaglalagian ng mga kapwa nila Chinese.

Kinasuhan na ng kidnapping ang mga suspek na ngayo'y nakakulong na.--Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.