Padre de pamilya na nagpapatay umano sa kaniyang mag-ina timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 05:53 PM

MAYNILA - Arestado noong Biyernes ng hapon ang lalaki na utak umano sa pagpapapatay sa kaniyang mag-ina sa Sta. Rosa City, Laguna noong 2016.

Kinilala ang suspek na si Ricardo Sta. Ana, na naaresto sa Taguig City sa bisa ng isang arrest warrant sa kasong parricide

Marso 3, 2016 nang matagpuang patay ang ginang at kaniyang sanggol na anak sa loob ng kanilang bahay matapos umano silang looban ng mga nagpanggap na internet technicians.

Minartilyo ang mag-ina hanggang mamatay, batay sa pahayag ng pulisya.

Sa imbestigasyon, lumabas na binayaran pala ni Sta. Ana ang 2 suspek para patayin ang kaniyang mag-ina.

Taong 2018 ay kinasuhan na si Sta. Ana pero nagtago ito para umiwas sa paglilitis.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek.

-- May ulat nina Arra Perez at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.