Batang nakapatay sa ama sa Sipalay City, kailangan ng tulong medikal

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 12:19 AM | Updated as of Nov 23 2019 09:30 AM

Ang batang nakapatay ng kaniyang ama sa Sipalay City sa Negros Occidental ay biktima din na pang-aabuso kaya't kailangan nito ng tulong medikal, ayon sa social welfare officer ng lungsod nitong Biyernes.

Napatay ng 8-anyos na bata ang ama Huwebes matapos niyang pagbabarilin ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay San Jose sa Sipalay.

Ayon sa pulisya, hinanap ng ama ang kaniyang kalibre .38 na revolver, na noo'y pinaglalaruan ng kaniyang anak. Nang makita niya ito, tinadyakan umano ng ama ang bata, dahilan para barilin ng anak ang biktima, na nagtamo ng 2 tama ng bala sa dibdib.

Naiulat na kasama ng bata ang 2 niyang kapatid sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente, habang nagtatrabaho sa Maynila ang kanilang ina.

Ayon sa social welfare officer na si Rita Santes, 5 anyos pa lang ang bata ay sinasaktan na siya ng kaniyang ama. Hindi lang siya ang pinagbubuhatan ng kamay, pero pati din ang kaniyang mga kapatid at ina, dahilan na lumuwas ito sa Maynila.

Ayon naman sa isang psychologist, pwede maging bayolente ang bata kung siya ay natambad sa karahasan. Na-trigger lang umano ang bata na gawin ang nangyari dahil sa pang-aabuso.

Saad naman ng pulisya, posibleng naturuan na ama ang anak kung paano gumamit ng baril.

Nakauwi na ng Sipalay ang ina pero nananatili pa rin muna sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang 3 bata.

- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.