‘Aarestuhin, pero 'di kakasuhan’: Banac sa mga mahuhuling gumagamit ng vape

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 09:42 AM

MAYNILA - Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na aarestuhin ang mga gumagamit ng vape sa pampublikong lugar pero hindi naman kakasuhan.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, ang mga lalabag ay aarestuhin at dadalhin lamang sa presinto para mapa-blotter at magpaliwanag.

"Wala po itong kulong. Wala po tayong batas na nagsasaad na sila po ay mapaparusahan maliban lang doon sa sila'y maaabala at sila'y magpapaliwanag sa presinto. Irerekord sila sa ating police blotter," sabi ni Banac.

Sa ngayon, wala naman aniyang sapat na basehan para magpatupad ng total ban laban sa vaping.

"Ang ginagamit nating reference ngayon ay 'yung Executive Order No. 26 providing for establishing... a smoke-free environment and public spaces," sabi ni Banac.

Ang naturang kautusan na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong taong 2017 ay mahigpit na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, sabi ni Banac.
 
"Itong mga vapes na ito ay nagbubuga nga ng napakakapal na usok ay kasama na po siya sa coverage nitong Executive Order 26," paliwanag ni Banac.

Magugunitang nitong Martes ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaniyang ipagbabawal ang paggamit ng vape o e-cigarettes sa mga pampublikong mga lugar, maging ang importasyon nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.