1 patay sa sagupaan sa pagitan ng NPA at militar sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 09:43 AM

Patay ang isang hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkuwentro sa Barangay Santol, Binalbagan sa Negros Occidental, Biyernes ng hapon.

Ayon sa press release ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nagsasagawa ng pursuit operation ang 62nd Infantry Battalion laban sa mga armado na nanloob sa bahay ng isang punong barangay sa bayan ng Isabela noong Miyerkoles nang kanilang makasagupa ang nasa 15 miyembro ng NPA.

Umabot sa isa't kalahating oras ang bakbakan bago umatras ang mga rebelde.

Isa rin ang nasugatan sa hanay ng mga rebelde na hawak na ngayon ng militar.

Patuloy naman ang clearing at pursuit operations ng tropa ng pamahalaan laban sa iba pang nakatakas na mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.