PatrolPH

VIRAL: Turkish national na walang lisensiya, itinulak, pinagsisigawan ang Makati enforcer

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 05:22 AM | Updated as of Nov 23 2018 10:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Viral ngayon ang video ng isang Turkish national na may kaalitan na traffic enforcer ng Makati City.

Ayon sa enforcer ng Makati Public Safety Department na si Michael Orcino, nagmamando siya sa Buendia nang masagi ang kaniyang motorisklo ng sasakyan ni Ibrahim Yuksel.

Para hindi makatakas ang Turkish national, hinarang ng enforcer ang kaniyang motorsiklo sa sasakyan ni Yuksel.

Bumaba si Yuksel at pinagtutulak ang enforcer. Inalis din nito ang motorsiklo sa harap ng kaniyang sasakyan.

"Magre-red light na, deretso pa rin 'yung kotse... Ayaw magpa-ticket eh," kuwento ng isang testigo.

Base sa incident report ng Makati City police, walang lisensiya ang Turkish national.

Sinubukan pa umano siyang patakasin ng Pinoy na kasama na kinilalang si Felix Pancha.

Tumangging humarap sa camera si Pancha, pero ayon sa kaniya, nag-init ang ulo ni Yuksel dahil sa language barrier.

Kinailangan daw nilang lumipat ng lane noon dahil magigitgit sila ng bus nang tamaan ang salamin ng motorsiklo ng enforcer.

Kinasuhan na ng assault si Yuksel na nakakulong ngayon sa Makati Police Station. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.