Maguindanao Massacre: Mga namayapa, inalala ng mga naulila

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginunita nitong Biyernes ng mga kaanak ng biktima ang
Maguindanao Massacre, kung saan 58 katao ang namatay sa tinaguriang pinakamadugong pag-atake laban sa mga mamamahayag sa kasaysayan, siyam na taon na ang nakararaan.

Nag-alay ng dasal, bulaklak, at kandila ang mga naulila, kabilang ang ilang kaanak ng mga napaslang na mamahayag, sa massacre site sa Ampatuan, Maguindanao.

Kabilang dito ang 9 anyos na si Princess Arianne Caniba, na 11 buwan pa lamang nang mamatay sa masaker ang amang freelance journalist na si John Caniba.

Siyam na taon matapos ang trahedya, hinahanap pa rin ni Princess ang kalinga ng kaniyang ama.

Hustisya naman ang panawagan ni Karen Araneta para sa namatay na asawang si Henry Araneta, na isang radio reporter.

Noong Nobyembre 23, 2009 bumiyahe si Ginalyn Mangudadatu
kasama ang kaniyang mga kaanak para ihain ang kandidatura ng asawang si Esmael Mangudadatu para sa pagkagobernador ng Maguindanao.

Si Mangudadatu, na noon ay vice mayor ng Buluan, ay tatakbo laban kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., anak ng noon ay Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr.

Sumama rin sa convoy ang 34 kasapi ng media, na karamihan ay galing General Santos City.

Kinidnap, pinagbabaril, bago inilibing sa hukay ang mga biktima gamit ang backhoe.

Siyam na taon na ang lumipas, pero umaasa si Mangungudatu na mailalabas ang hatol sa lalong madaling panahon. "Umaasa kami na malapit na talaga," aniya.

Giit ni Communications Secretary Martin Andanar na prayoridad ng gobyerno ang paglilitis sa mga kaso ng mga naulila.

"Impunity was so much in the land during those times. The president is showing his utmost support sa mga biktima at suporta rin sa press freedom," ani Andanar, na dating mamahayag.

Nauna nang binanggit ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tatapusin sa Disyembre ang presentasyon ng mga ebidensiya laban sa mga akusado, at inaasahang maibababa na ang hatol sa 2019.

Nasa 197 ang akusado sa kaso, 103 dito ay nilitis. Kasama sa mga akusado ay sina Zaldy Ampatuan at Datu Sajid Islam Ampatuan, na nakapagpiyansa.

Sa 9 na taon ng kaso, apat sa mga akusado ay namatay sa pagkakakulong, kasama si Ampatuan Sr., na inatake sa puso noong Hulyo 2015.

-- Ulat ni Lora Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.