Ilang negosyo sa CDO, huling lumabag sa Children’s Welfare Code

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 12:47 AM | Updated as of Nov 27 2018 02:39 AM

CAGAYAN DE ORO CITY—(UPDATE) Ininspeksiyon ng mga awtoridad ang iba't ibang establisimyento ng siyudad para paigtingin ang ordinansa na nagpoprotekta sa mga menor de edad.

Naaktuhan ng mga tauhan ng Regulatory and Complaint Board (RCB) ang ilang estudyante na nagpa-party sa loob ng isang bar at naglalaro ng online games sa isang Internet café sa oras ng klase.

Ayon kay Atty. Edgardo Uy, chairman ng RCB, lumabag sa ordinansa ang mga establisimyento matapos payagan ang mga menor de edad.

Isinailalim ng City Social Welfare Development sa counseling ang mga estudyante.

Base sa ordinansang Comprehensive Children's Welfare Code, magmumulta ng P1,000 ang operator kapag lumabag sa unang beses, P3,000 sa ikalawang opensa, at P5,000 sa ikatlong paglabag kasabay ang kanselasyon ng business permit.

Pinapaigting din ng RCB ang curfew ng siyudad na tinatawag ngayong Protected Hours for Children.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.