Dead on arrival sa pagamutan ang suspek na nakipagbarilan sa pulisya matapos ang buy-bust operation sa EB Magalona, Negros Occidental.
EB MAGALONA, Negros Occidental – Patay ang isang itinuturing high value target ng pulisya matapos na manlaban sa awtoridad, Huwebes ng gabi.
Napatay si Noel Bolivar sa isinagawang buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit at EB Magalona Police sa Barangay 2.
Ayon sa hepe ng EB Magalona Police na si Senior Inspector Jaynick Bermudez, kakatapos lang ng palitan ng droga nang maghinala ang suspek na pulis ang kaniyang katransaksiyon kaya ito tumakbo at pumasok sa isang bahay.
Nagpaputok ito ng baril nang makorner ng pulis sa nasabing barangay. Nagawang makaganti ng awtoridad na nagresulta sa pagkakasugat ng suspek.
Naisugod pa sa Silay City Provincial Hospital ang suspek pero naideklara na itong dead on arrival.
Nakuha sa crime scene ang pitong sachets ng shabu at kaliber .45 na baril.
Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang pamilya ng suspek.
Dagdag naman ng awtoridad na may nakabinbin na kasong illegal discharge of firearms sa Provincial Prosecutor's Office si Bolivar.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.