Babae kalahok sa unang pagkakataon sa Giant Lantern Festival ng Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 04:51 PM

Si Maryanne Sason Torres ang kauna-unahang babaeng lantern maker na lalahok sa paligsahan ng mga parol sa siyudad. Ang higanteng parol na ginawa niya para sa Barangay San Jose ay kalahok sa Giant Lantern Festival ng San Fernando City sa Disyembre 15, 2018. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

SAN FERNANDO CITY – Puspusan na ang paghahanda sa mga higanteng parol na lalahok sa Giant Lantern Festival sa siyudad ngayong taon.

At may babago sa kasaysayan ng festival dahil sa kauna-unahang pagkakataon, babae ang lantern maker na mula sa Barangay San Jose.

“Siyempre masaya kasi bilang babae, 'yung bandera ng kababaihan gusto kong itaas. Pressured din at the same time kasi mataas ang expectation sa akin,” ayon kay Maryanne Sason Torres.

Dati ring lantern maker ang yumaong ama ng 35 anyos na babae. Dito na niya namana ang galing sa paggawa ng higanteng parol.

“Gustong-gusto niyang gumawa ng parol, pero ‘di na kaya ng katawan niya. Bilang anak, sabi ko kahit ano gagawin ko, kahit wala na siya ngayon, itutuloy ko,” ani Torres.

Aminado si Torres na marami siyang kritiko pagdating sa paggawa ng parol pero tiwala sa kaniya ang mga kabaranggay.

“Kung anong kaya ng lalaki, kaya ng babae. Ang babae 'pag nagtrabaho, pulido,” sabi ni Mercy Macabali, kapitan ng Barangay San Jose.

Kasama ni Torres sa pagbuo ng parol ang mga dati na ring nakatrabaho ng kaniyang ama. Ang kanilang giant lantern ang may pinakamaraming bombilya na aabot sa mahigit 9,000.

Noong nakaraang taon, 1st runner-up ang giant lantern ng Barangay San Jose.

Aabot sa 11 parol mula sa mga barangay ng San Fernando ang maglalaban sa festival na mapapanood sa Disyembre 15 sa isang mall sa siyudad.