7 pulis-Las Piñas na inakusahang 'nangidnap, nangikil' tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinibak na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Biyernes ang hepe ng Las Piñas Police at ang 36 iba pang miyembro ng drug unit matapos ang pag-kidnap at pangingikil umano ng pito sa kanila sa isang drug suspect.

Kinilala ang mga pangunahing suspek na sina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao at Jayson Arellano, at sina PO1 Raymart Gomez, Ericson Rivera, Mark Fulgencio, at Jeffrey de Leon.

Na-relieve naman sa posisyon si Senior Superintendent Marion Balonglong dahil sa command responsibility.

Kuwento ng biktimang si alyas "Vic" ay gabi ng Nobyembre 20 nang hulihin at gulpihin siya ng pitong pulis dahil sa pagbebenta umano ng isang kilo ng marijuana.

Kinabukasan, nakatanggap ang kapatid niyang si alyas "Vinet" ng tawag na humihingi umano ang mga pulis ng P200,000 kapalit ng kalayaan ni Vic.

Agad na dumulog sa Cavite City police ang kaanak ng biktima at dito ikinasa ang entrapment operation.

Matapos mapababa sa P30,000 ang "ransom" ay napagkasunduang magkita ang mga partido sa isang convenience store sa Las Piñas.

Nang dumating si Vinet sa lugar, isang 13 anyos na nagpakilalang "Striker" ang sumalubong sa kaniya para kuhanin ang pera.

Nang makatunog ang mga suspek na may entrapment, pinakawalan umano ng mga ito si Vic sa Molino, Cavite at hanggang ngayon ay tinutugis pa rin.

Ayon sa Philippine National Police, hindi lamang iyon ang unang pagkakataon na nasangkot ang mga suspek sa ilegal na gawain.

Patuloy na pinaghahanap ang pito na nahaharap sa kasong kidnapping.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.