Tugade, 'nabulaga' sa pagbibitiw ni Chavez sa DOTr

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 09:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbitiw sa puwesto nitong Huwebes si Cesar Chavez bilang undersecretary for rails sa Department of Transportation (DOTr).

Si Chavez ang ikalawang undersecretary for rails sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Nobyembre 23 din noong nakaraang taon nang magbitiw sa parehong puwesto si Noel Kintanar.

Sa sulat ni Chavez, delikadeza umano ang nagdikta sa kaniya para magbitiw.

Ito'y para mabigyan aniya ng pagkakataong makahanap ng "mas kuwalipikadong" opisyal ang ahensiya para sa posisyon.

Kopya ng resignation letter ni Cesar Chavez. Kuha ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Nilinaw ni Chavez na walang nag-udyok sa kaniyang magbitiw dahil noong mangyari pa lang ang insidente ng pagkalas ng bagon sa tren ng MRT ay naisip na niya ito.

"Noong nahiwalay ang bagon, I already made up my mind to file resignation," pahayag ni Chavez.

Paliwanag ni Chavez, hindi puwedeng laging sinisisi sa nakaraang administrasyon ang mga problema ng ahensiya. 

"Hindi naman puwedeng lagi tayong naninisi sa nakaraan. Responsibilidad na namin ito," ani Chavez.

Noong Miyerkoles, pinaratangan ng Busan Universal Rail Inc. (BURI), dating maintenance provider ng MRT, si Chavez bilang pasimuno sa biglaang pagputol ng kanilang kontrata.

Bumuwelta si Chavez na hindi patas ang mga paratang ng BURI sa pagkuwestiyon nila sa kakayahan ng ahensiya dahil tila pagkuwestiyon ito sa kakayahan ng mga taong matagal na nilang katrabaho. 

Tugade, nagulat

Ikinagulat naman ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagbibitiw ni Chavez.

"He has been consistent in exposing the anomalies in various MRT contracts. He has worked with commuter groups and advocates and has opened the bidding processes to independent observers," pahayag ni Bayan Secretary General Renato Reyes.

(Hindi siya nagbago sa pagsiwalat ng mga anomalya sa mga kontrata ng MRT. Nakipagtulungan siya sa mga commuter group at advocate at binuksan ang bidding process sa independent observers.)

Nilinaw naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi niya hiniling ang pagbibitiw ni Chavez.

Ikinagulat umano ni Tugade ang nangyari dahil kausap pa umano niya si Chavez hinggil sa mga plano para sa riles.

Ayon naman kay Chavez, sina Undersecretary Beno Reynoso o Transport Engineer Rene Santiago ang maaaring magpatakbo nang maayos sa sektor na iniwan niya. 

Pero sa isang pahayag, tumanggi na si Santiago.

Bukod kay Chavez at Kintanar, nagbitiw rin ang dating Undersecretary for Aviation na si Bobby Lim, dating Undersecretary for Planning Rommel Gavieta, at dating Undersecretary for Legal and Procurement na si Raoul Creencia.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.