TINGNAN: Agaw-pansin na Christmas display ng barangay

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 12:06 PM | Updated as of Nov 23 2017 02:36 PM

LIPA CITY – Nagpapagandahan ng Christmas display ang mga purok sa Barangay Tangway kahit na higit 30 araw pa bago mag-Pasko.

Malayo pa lamang ay tawag-pansin na ang kumukuti-kutitap na mga ilaw sa arko ng barangay. Ang mga side walk ay puno rin ng mga palamuti. May mga nakasabit din na parol habang binabaybay ang mga kalye ng barangay.

Ang isang purok, gumamit ng mga plastic na bote bilang pang-desenyo sa daan. May ilan namang recycled ang ginamit na parol. Ang isa pang purok, gulong ng bisikleta at sasakyan ang ginamit.

Iba't-iba rin ang tema ng mga belen sa bawat purok. May iba gumamit ng mga bahagi ng buko at niyog para sa kanilang belen.

Ayon kay Barangay Tangway Captain Randy Mendoza, sinimulan ang tradisyong ito noong ika-25 anibersaryo nila at inulit lamang ngayon

“To develop yung pagkakaisa ng bawat tao sa bawat purok sa barangay," sabi niya.

Todo ang suporta ng bawat purok sa pagpapaganda ng kanilang mga nasasakupan. Ikinatutuwa rin naman ito ng mga residente.

Hindi naman daw kalakihan ang premyong matatanggap ng mananalong purok. Pero higit pa raw sa mga kumikinang na palamuti, ang gusto nilang ipakita sa mga dumaraan sa kanilang barangay ay ang tunay na diwa ng pasko, ang pagkakaisa at pagmamahal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.