'Siraan' sa trabaho, nauwi sa sapakan

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 06:49 PM

Agaw-pansin ang nagbabangayang mga lalaki sa parking area sa harap mismo ng Iloilo City Hall nitong Huwebes ng umaga.
 
Sinisikap silang awatin ng mga kalalakihan pero hindi nagtagal ay nagsuntukan na ang dalawa.
 
Muli silang inawat ng kanilang mga kasamahan, hanggang dumating na ang mga pulis upang pumagitna.
 
Kinilala ang mga nagsuntukan na sina Eric Dimzon at Ronape Calungsod.
 
Pareho silang nagtatrabaho sa isang kontraktor na nagpipintura sa Iloilo City Hall.
 
Ayon kay Calungsod, mayroon siyang transaksiyon sa Iloilo City Hall habang si Dimzon ay nasa gusali upang ipagpatuloy ang nasimulang proyekto.
 
Kuwento ni Calungsod, inaakusahan siya ni Dimzon na sinisiraan ito sa trabaho na mariin niyang itinatanggi. 
 
Umiwas naman sa pagsagot si Dimzon. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dating magkatrabaho ang dalawa at noon pa may mayroon na silang isyu na "siraan."
 
Sinisante umano si Calungsod at si Dimzon ang ipinalit sa posisyon na naging hudyat ng mas malalang hidwaan.
 
Dadalhin sana sa estasyon ng pulis ang dalawa upang palamigin ang ulo pero nagdesisyon din ang magkaaway na mag-areglo at hindi na magsampa pa ng kaso.
 
Magsasagwa naman ng incident report ang pulisya sa nangyaring suntukan.
 
--Ulat ni Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.