Sa gitna ng krisis sa MRT: Chavez, nagbitiw sa DOTr

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 05:43 PM | Updated as of Nov 23 2017 06:31 PM

Sa gitna ng magkakasunod na aberya sa MRT, inanunsiyo ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar Chavez ang kaniyang "irrevocable resignation" sa isang press conference nitong Huwebes.

Binasa ni Chavez sa harap ng mga mamamahayag ang kopya ng kaniyang liham na nauna na niyang ibinigay kay Transportation Secretary Arthur Tugade.

Mababasa sa ibaba ang bahagi ng resignation letter ni Chavez:

"I hope the President understands that in the light of recent events involving MRT 3's system, simple sense of delicadeza, which I have adhered to throughout my professional life, gives me no choice but to resign from [my] position.

It is also my intent and hope that my resignation provides opportunity for the appointment of a person better-qualified to perform the duties and responsibilities of the subject office."

Dagdag pa ni Chavez, isang "karangalan" para sa kaniya ang mabigyan ng pagkakataong umupo sa nasabing posisyon.

Hiling din niya na maisaayos na ang mga problemang pumuputakte sa MRT. 

Kuwento niya, pinag-aralan niyang mabuti ang desisyon at kinonsulta ito sa kaniyang pamilya. 

"Last Sunday pagkatapos namin magsimba ng pamilya ko, in-inform ko ang aking pamilya at sinusuportahan nila ang aking desisyon."

Dahilan sa likod ng pagbibitiw

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakapanayam naman agad si Chavez sa programang Failon Ngayon sa DZMM, ilang sandali lamang matapos ang kaniyang press conference. 

Dito ay ibinahagi niya kung ano ang nagbunsod sa kaniyang magbitiw sa puwesto sa kalagitnaan ng sunod-sunod na aberya sa MRT. 

"Unang una ang desisyon kong ito ay mula nang magkahiwalay 'yung bagon, tingin ko responsibilidad ko 'yun," aniya.

Matatandaang humiwalay ang isang bagon ng MRT habang bumibiyahe sa kalagitnaan ng Ayala at Buendia station.

Ilang araw lamang bago ang insidente, mayroong babaeng naaksidente at naputulan ng braso nang malaglag sa riles ng MRT.

Para kay Chavez, ang sunod-sunod na aberya ay hudyat na nangangailangan na ang MRT ng bagong pinuno. 

"Number one dito ay out of delicadeza dahil ang tao humihingi ng mas mabuting serbisyo. Nagkaraoon kami ng dalawang aksidente, ako ang may pananagutan niyan," aniya. 

Humungi rin si Chavez ng patawad kay Tugade.

"Pasensya na po Mr. Secretary I have to make this decision...I [also] thank the President for giving me the trust," ani Chavez. 

Tila may pagpapahiwatig din ito ukol sa galaw ng trabaho sa loob ng organisasyon. 

"Palagay ko baka importante na dapat magkaroon ng bagong team na workable [because] I cannot do this alone, we need support also from some people," saad ni Chavez.

Wala pang ulat kung sino ang ipapalit sa nabakanteng posisyon sa DOTr, lalo ngayong pinutol na ang kontrata sa maintenance provider ng MRT. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.