PNP, di masigurong di na magiging madugo ang drug war

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 06:25 PM | Updated as of Nov 23 2017 10:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang araw matapos magpahaging si Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik sa Philippine National Police (PNP) ang pamamahala sa kampanya kontra-droga, sinabi ngayon ng PNP na handang-handa na sila para rito.

Ayon kay PNP deputy spokesperson Supt. Vimelee Madrid, may mga ikinasa na silang pagbabago sa mga naunang panuntunan ng kampanya kontra droga na mas nakilala bilang "Oplan Tokhang".

"Mayroon nang plans for revisions... hindi muna natin sasabihin since hindi pa naman talaga legally binalik sa atin ang war on drugs," ani Madrid.

Dagdag ni Madrid, kahit naman noong inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pamamahala sa kampanya kontra droga, hindi nawala ang suporta ng PNP sa laban ng PDEA.

Mahigit isang buwan na ang nakalipas mula nang ipatigil ni PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa ang Oplan Tokhang kasunod ng atas ni Pangulong Duterte na nagtatalaga sa PDEA na maging tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Paliwanag pa noon ng pangulo sa inilabas na memorandum, inililipat sa PDEA ang pamamahala para ilagay sa ayos ang kampanya kontra droga.

Pero sa isang talumpati sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, nitong Miyerkoles, Nobyembre 22, tila kumabig si Duterte at sinabing ibabalik na sa pulisya ang giyera kontra droga.

“But as of now, just to parry, nilagay ko sa PDEA. But whether I like it or not, I have to return that power to the police because, surely, it will increase the activity of the shabu,” saad ni Duterte.

Ayon naman kay Madrid, hindi maipapangako ng PNP na hindi magiging madugo ang war on drugs kapag naibalik ito sa mga pulis.

"Talaga namang iniiwasan na, kaya lang sa simula nga, sinasabi ni chief PNP, kung magiging at risk din naman ang buhay ng isang police officer, talagang we are to defend also," sabi ni Madrid.

Tinatanggap naman ng PDEA ang pagbabalik ng drug war sa PNP, kahit wala pang opisyal na atas ukol dito.

Ayon kay Derrick Carreon, director ng public information office ng PDEA, ilang beses na rin naman nilang sinabing kulang sila sa tauhan, gamit, at pondo.

Kaya talagang nangangailangan ng iba pang law enforcement agency para tumulong sa war on drugs.

Tiwala rin si Carreon na hindi nawalan ng kumpiyansa ang pangulo sa kapasidad ng PDEA, pero binibigyan lang sila ng katuwang sa kampanya.

Paglilinaw ng PDEA, tuloy pa rin sila sa panghuhuli ng mga high-value target at pagpapaigting ng mga hakbang kontra pagpasok ng droga mula sa mga paliparan at pantalan.

-- May ulat nina Henry Atuelan, Joyce Balancio, at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.