Paghuhukay sa bahay sa Quezon, pinagsususpetsahang pagmimina

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 09:30 PM

Ayon sa mga residente ng Calauag, umabot na sa 421 talampakan ang lalim ng nahukay sa loob ng isang bahay. Kuha ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Ipinatigil ng mga awtoridad ang paghuhukay ng lupa sa loob ng isang bahay sa Calauag, Quezon matapos maganap ang isang pagsabog.

Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Calauag at Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) na ikordon ang bahay ng isang Katherine Nubla sa Barangay Poblacion 2.

Ito'y matapos magkaroon ng pagsabog sa lugar noong Linggo, Nobyembre 19.

Ayon kay Webstar Letargo, pinuno ng Quezon PMRB, humingi na ng search warrant ang ahensiya para hindi na maipagpatuloy ni Nubla ang paghuhukay sa bahay.

Matagal na umanong inirereklamo ng mga residente ang ginagawang pagmimina sa lugar, na isang residential area.

Tinatago pa umano ang pagmimina bilang treasure hunting activity o paghahanap ng kayamanan.

Umabot na sa 421 talampakan ang lalim ng hukay at mayroon pa umano itong lagusan sa ilalim, ayon sa mga residente.

Mayroon na din umanong isang manggagawang namatay dito noong Setyembre subalit itinago umano ang insidente.

Posible rin magdulot ng pagguho ng lupa ang paghuhukay dahil sa unti-unti nang nagkaroon ng pagkakabitak ang mga kalsada sa kalapit na lugar.

Ayon kay Letargo, 2014 pa nang makarating sa kanila ang reklamo subalit hindi nila mapakialamanan dahil mayroon umano itong permit mula sa National Museum.

Pinag-iisipan ng Quezon PMRB kung paano aayusin ang butas.

Mahihirapan umanong tabunan ang lagusan sa ilalim dahil pinapasok umano ito ng tubig mula sa kalapit na dagat. -- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.