Mangudadatu sa masaker: 'Habambuhay kong hahanapin ang hustisya'

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 08:30 PM | Updated as of Nov 24 2017 02:37 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walong taon na ang nakalilipas mula nang patayin ang 58 tao, kabilang ang 32 mamamahayag, sa tinaguriang "Maguindanao massacre."

Pangunahing suspek sa insidente ang pamilya Ampatuan na kilala bilang political warlords, o politikal na pamilyang may armadong pangkat, sa Maguindanao.

Nag-ugat ito sa alitang politika ng mga pamilyang Ampatuan at Mangudadatu.

Kabilang sa mga pinatay ang asawa at ilang kaanak ni Maguindanao Governor Esmael "Toto" Mangudadatu.

Pero hanggang ngayo'y mailap pa rin ang hustisya dahil hindi pa tuluyang natutuldukan ang kaso.

Wala pang hatol ang korte laban sa halos 200 suspek sa krimen, kung saan 80 ang hindi pa naaresto.

Ayon kay Atty. Nena Santos, abogado ng mga pamilya ng biktima, malaki ang tiwala nila sa ebidensiyang hawak laban sa mga may sala.

Sa Maguindanao nitong Huwebes ng umaga, nagtipon-tipon ang pamilya Mangudadatu at kaanak ng mga biktima sa pinangyarihan ng patayan sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan.

"Humihingi ako ng tulong sa mahal nating Pangulo ... Sana po... mabigyan na kami ng hustisya," ani Jergin Dela Cruz, anak ng biktimang si Gina Dela Cruz.

Sabay-sabay silang nag-alay ng dasal, bulaklak, nagtirik ng kandila, at nagpakawala ng puting lobo.

Kabilang si Toto Mangundadatu sa gumunita sa ika-8 taon ng Maguindanao massacre na kumitil sa buhay ng kaniyang misis at iba pang kaanak. Kuha ni Liam Acosta, ABS-CBN News

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Governor Mangudadatu na makakamit nito ang katarungan.

"Huwag po tayong mapagod dahil habambuhay kong hahanapin ang mailap na hustisya," ani Mangudadatu. 

Hulyo 2015 nang pumanaw sa sakit si Datu Andal Ampatuan Sr. na pangunahing akusado sa massacre.

Pansamantala namang nakalaya ang anak na si Sajid Islam Ampatuan noong Marso 2015 matapos makapagbayad ng piyansang P11.6 milyon.

Ayon naman kay Sajid Islam, bagaman hangad nito ang husitysa para sa mga kaanak ng biktima, nais rin nito ang hustisya sa mga maling naparatangan kaugnay ng insidente.

Nagtungo din sa Malacañang nitong Huwebes ang ilang kaanak ng mga biktima para personal na umapela ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte.

-- Ulat nina Liam Acosta at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.