Lasing na 16-anyos bumangga sa oil tanker, patay

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 08:44 AM

MANILA - Patay ang isang lasing na 16-anyos na lalaki matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa oil tanker sa Muntinlupa, Huwebes.

Nakikipag-inuman umano ang biktimang si John Mark Navarro nang magpaalam na bibili ng yosi at hiramin ang motorsiklo ng kaibigan. Pero bago pa umabot sa tindahan, bumangga siya sa tanker na maghahatid sana ng langis sa isang gasolinahan sa Barangay Putatan.

Kuwento ng driver ng tanker na si Teddy Gotis, kakanan na sana siya sa gas station at hindi niya napansin ang binatilyo. Aniya, "Bumusina pa nga ako. Tapos nakita ko na lang, sabog yung ulo [ni Navarro]."

Aminado ang kapatid ni Navarro na lasing ito nang mangyari ang insidente. Gumegewang aniya ang motorsiklo nang umalis ang teenager sa inuman.

Wala ring lisensyang magmaneho at suot na helmet si Navarro.

"Pinigilan pa nga namin kanina 'yan, sabi namin wag na," sabi ng kapatid niyang si Jude Navarro.

Posibleng maharap si Gotis sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. Mensahe niya sa pamilya ng biktima, "Pagpasensyahan niyo na po ako, buhay yan e, magpa-Pasko pa naman."

Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.