Harry Roque, sumakay sa MRT pero binatikos sa 'VIP treatment'

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 09:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Normal na pagsakay ng isang karaniwang pasahero ng tren.

Ito ang pakay ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang sumakay ito sa MRT-3 nitong Huwebes ng umaga.

Ani Roque, gusto niyang pulsuhan ang sentimyento ng taumbayan sa MRT na kamakailan ay pinutakte ng sunod-sunod na aberya.

Pasado alas-9 ng umaga nang dumating si Roque sa North Avenue Station.

Pero kahit nakaiwas sa rush hour, nagpasikip pa rin sa tren ang napakaraming media na bumuntot kay Roque.

Sa loob ng tren, pinuna ni Roque ang kakulangan ng mga bagon at ang palpak na maintenance service ng MRT.

Nakipag-usap rin si Roque sa mga pasahero.

Lumipat naman si Roque mula Taft Avenue Station para sumakay sa LRT-1.

Nang hindi gumana ang kaniyang beep card palabas ng MRT, mabilis itong pinadaan ng pamunuan sa ibang exit.

"Kulang yata ng tatlong piso ang binayad ko," pabirong sabi ni Roque.

Para sa kampanya?

Inulan ng batikos sa Roque mula sa ilang netizens.

May mga nagsabing halatang pagpapabango ng pangalan ito para sa maaga niyang pangangampanya.

Matatandaang kamakailan ay inanunsiyo na kabilang si Roque sa listahan ng mga nais patakbuhin ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Senado.

Ngunit hirit ni Roque'y hindi na niya kailangan pang sumakay ng tren para magpapansin.

"Hindi ko na kailangan ng tren para sa mileage ... sa akin talagang importante lang na iparating ang mensahe na pinupulsuhan ng Palasyo iyong damdamin ng taumbayan," aniya.

Pinuna din ng mga netizen ang umano'y espesyal na pagtrato kay Roque, na inasikaso ng mga guwardiya at opisyal ng Department of Transportation. 

Taliwas umano ito sa "karaniwang" pagsakay.

Bumiyahe si Roque hanggang Central Station ng LRT-1 at sumakay ng sasakyan papuntang Malacañang.

"Sa experience ko naman po dahil wala tayong aberya na na-experience, hindi naman po talaga masama. Medyo matagal lang 'yong pila at 'di na rush hour so I could imagine na kapag rush hour, mas matagal ang pila," ani Roque. -- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.