Bayan Muna humiling ng aksiyon laban sa dagdag-pasahe sa MRT, LRT

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 04:31 PM

Muling dumulog sa Korte Suprema ang grupong Bayan-Muna nitong Huwebes para ihirit na resolbahin na nito ang nauna nilang petisyon noong 2015 na maibasura ang naging taas-pasahe sa MRT-3 at LRT.

Nagsumite ang Bayan-Muna ng Motion to Resolve sa pangunguna ni Rep. Carlos Zarate. Dalawang taon nang hindi nadedesisyunan ng korte ang naunang petisyon ng grupo.

Noong 2015, inihirit ng Bayan Muna na maibasura ang Order 2014-04 ng noo'y Department of Transportation and Communications na nagpapahintulot sa fare hike sa MRT at LRT.

Pinagbigyan ng DOTC noong Enero 4, 2015 ang dagdag-pasahe. Dahil dito, umakyat sa P28 hanggang P30 ang dating P15 hanggang P20 lamang.

Paliwanag ng mga petitioner, hindi natupad ang pangako ng DOTC na kinailangan ang taas-pasahe para mapaganda ang serbisyo ng MRT at LRT.

Nais din ng mga petitioner na i-refund sa mga pasahero ang naging sobrang singil mula noong 2015.

Tumatayong respondents sa kaso sina dating DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at ang noo'y MRT-3 OIC Renato San Jose at LRTA Administrator Honorito Chaneco.