Ama sinaksak ng sariling anak na inawat sa away

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 07:34 PM

RAMON, Isabela – Patay ang isang 63-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng kaniyang anak, Miyerkoles ng hapon dito sa bayan.

Pitong saksak sa likod ang ikinamatay ni Gil Caspillan sa kamay umano ng kaniyang sariling anak na si Michael James Caspillan, 34-anyos.

Naganap ang insidente sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Antonio.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, nagkasagutan ang suspek at isa pa niyang kapatid kaya inawat sila ng kanilang ama sa pamamagitan ng pagsuntok. Pero bigla na lamang umanong tumakbo ang suspek para kumuha ng kutsilyo at hinabol ng saksak ang ama.

Galing Pangasinan ang suspek at binisita lamang ang kaniyang ama na nag-iisa nang nakatira sa Ramon.

Sinubukan pang tumakas ng suspek pero agad din siyang nasabat ng mga pulis.

Ayon sa suspek, may matagal na itong galit sa ama dahil simula pa lamang noong bata sila ay pinapalo at sinasaktan na silang magkakapatid. Dahilan din umano ito para hiwalayan ang ama ng kaniyang ina.

Nahaharap sa reklamong parricide ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.